Wala ng buhay nang matagpuan ang isang 24 anyos na PWD (Person with Disability), nagtamo ang biktima ng malalalim na sugat sa ulo na hinihinalang hinampas ng matigas na bagay sa may ilog ng Sitio Ilang Ilang sa Brgy. Batas Silang, Cavite, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Vicente Jamesola Banuelos, isang construction worker at residente ng Brgy. Batas Silang, Cavite.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Ramil Legaspi, alas 10:00 ng umaga nang matagpuan ang duguan at wala nang buhay ang biktima sa nasabing lugar.

Sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Jessielyn Jamesola Banuelos, alas-7 umano ng umaga nang magpaalam si Vicente na papunta sa ilog upang maglaba.

Bitbit ang kanilang labahan, nagpunta ang biktima sa nasabing ilog pero makalipas ang mahigit sa dalawang oras ay hindi pa rin nakakabalik.

Dakong alas-10:35 ng umaga na nang makatanggap ng tawag si Jessielyn na nagsasabing natagpuan ang kanyang kapatid na wala nang buhay at nakahandusay sa batuhan sa nasabing ilog.

Nagtamo ang biktima ng malalalim na sugat sa ulo na hinihinalang hinataw ng matigas na bagay o bato na naging dahilan sa pagkamatay ng biktima.

Kasalukuyang blangko pa rin ang mga autoridad sa motibo ng pagpatay sa biktima at kung sino ang responsable sa nangyaring krimen.

Source: Pilipino Star Ngayon

#Cavithink

#SilangCavite