Kapwa ngayon humihimas ng rehas ng kulungan ang isang misis at kalaguyo umano nitong Grab Driver, nahuli umano sa akto ng mister habang nagtatalik ang dalawa sa loob mismo ng kanilang tahanan kahapon ng madaling araw sa Brgy. Molino 3, lungsod ng Bacoor.

Sa ulat ng pulisya, nahaharap sa kasong adultery ang ginang na si Ma. Christina Apego, 30-anyos, isang process associate, residente ng Block 3 Lot 22 Springfield Subdivision, Brgy. Molino 3, Bacoor City at ang Grab Driver/Lover umano nitong si Manuel Punzalan, 36-anyos ng Block 3 Lot 7 Springfield Subdivision sa nabangit na barangay.

Ayon sa pahayag ng biktimang si Lester John Apego, 34-anyos, kay P/Staff Sgt. Marvin Rae Calaor, alas-3 ng madaling araw nang palihim siyang umuwi ng kanilang bahay at nag dire-diretso sa kwarto nilang mag-asawa.

Pagbukas umano nito ng pintuan ng kanilang kwarto ay bumulaga sa kaniya ang kababuyang ginagawa ng kaniyang misis at suspek na magkasiping sa mismong kama nila.

Bunsod nito, agad na humingi ng tulong ang mister sa pulista at ipinaaresto ang misis at kalaguyo umano nito.

Dagdag pa ng mister na matagal na siyang nagdududa sa kaniyang misis na may ginagawang kalokohan kaya sinadya niyang umuwi ng palihim sa kanilang tahanan upang mahuli ang mga ito sa aktong pagtataksil.

Source: Pilipino Star Ngayon

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2021/12/07/2146245/misis-huli-sa-akto-ni-mister-grab-driver-katalik-sa-kuwarto

📸: Sonia Hickey of Sydney Criminal Lawyers

#Cavithink

#Bacoor