Kapwa kritikal sa pagamutan ang dalawang mister makaraan silang magsaksakan ng icepick dahil sa love triangle o away-babae sa mismong araw ng Pasko sa Lungsod ng Bacoor City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang dalawang hinihinalang magkaribal na sina Nestor PIllo, 43-anyos, construction worker ng Bagong Silangan sa Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City at Larry Llamido, 42-anyos, vendor at residente rin sa nabangit na lugar.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Edilberto Reyes Jr., ng Bacoor City Police,  ala-1:45 ng mada­ling araw nang maganap ang insidente kung saan nakatayo umano si Pillo sa tapat ng kanilang bahay at nanonood ng programa na nagaganap sa kanilang street bilang pagdiriwang ng Pasko nang dumating si Llamido at agad siyang nilapitan at kinompronta.

Tinanong umano ni Llamido si Pillo kung dinidiskartehan ba nito ang kaniyang kinakasama na si Shirley Alcantara

Itinanggi naman ni Pillo ang bintang subalit hindi ito pinaniwalaan ni Llamido at lingid sa kaalaman ng una ay armado na pala ng icepick ang huli.

Sa tindi ng galit at pagseselos ni Llamido, dito na niya inundayan ng sunud-sunod na saksak si Pillo subalit nanlaban ang huli hanggang sa mauwi pa sa pagpapambuno ng dalawa.

Kahit sugatan na ang biktima, nagawa nitong maagaw ang icepick sa suspek at inundayan din nito ng saksak hanggang sa kapwa na duguang bumulagta ang dalawa na agad itinakbo sa pagamutan ng mga saksi.

Kasalukuyang inoobserbahan ang dalawa sa hindi tinukoy na ospital.

Source: Pilipino Star City

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2021/12/27/2150253/christmas-love-triangle-magkaribal-nagsaksakan-ng-icepick-kapwa-kritikal

📸: Max Pixel

#Cavithink

#BacoorCity