Kapwa idineklarang dead on arrival sa ospital ang magkapatid matapos mawalan ng balanse at sumemplang ang motorsiklo na sinasakyan kahapon ng mada­ling araw sa kahabaan ng D. Mangubat Avenue, Brgy. Zone 4 Lungsod ng Dasmariñas City.

Ang magkapatid na nasawi ay nakilalang sina John Michael Vincent Palmes Oyao, 24 anyos driver ng motor at kapatid nitong babae na si Shane Ashley Palmes Oyao, 18 residente ng Blk. 146, Lot 6, Phase 4, Marycris Complex Pasong Camachille, General Trias City, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya bago nangyari ang aksidente alas 4:30 ng madaling araw ay minamaneho ni John Michael ang motorsiklo, angkas ang kapatid na si Shane Ashley at binabagtas ang kahabaan ng D.Mangubat Avenue, Brgy. Zone 4, patungo ng palengke.

Dahil sa may kabilisan umano ang pagpapatakbo ni John Michael ng motorsiklo ay aksidenteng nilipad ang suot nitong helmet dahilan upang mawalan ito ng balanse at sumemplang.

Tumilapon ang magkapatid at bumagsak na una ang ulo sa steel barrier sa center island. Nagawa pang madala sa pagamutan ang magkapatid,subalit kapwa dead on arrival.

Source: Pilipino Star Ngayon