Nagmistulang “inferno” sa Cavite City matapos na sumiklab ang napakalaking sunog sa apat na Barangay na ikinatupok ng daan-daang kabahayan kamakalawa ng hapon.

Ayon sa Bureau of Fore Protection, milyon-milyong pisong ari-arian at lino-libong pamilya ang nawalan ng tirahan matapos na lamunin ng apoy ang mga kabahayan sa Barangay 24, 25, 26 at 27 ng nasabing Lungsod.

Ayon sa ulat, alas-2:15 nang hapon magsimula ang apoy mula sa isang bahay sa Brgy. 24 at dahil sa malakas na hangin at gawa sa kahoy at mahihinang materyales ang mga kalapit na bahay ay mabilis itong kumalat hanggang sa katabing mga barangay.

Sa ulat ni Cavite City Police Col. Gilbert Cruz, hepe ng pulisya rito, umabot sa ikalimang alarma ang sunog na tumagal ng mahigit apat na oras.

Dahil sa dikit-dikit ang kabahayan at mara­ming residente, nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula hinggil na rin sa naokupa ng mga mga nagtatakbuhang residente ang makipot na mga kalsada.

May 58 fire trucks ang nagtulung-tulong sa pag-apula ng apoy na ayon sa mga bumbero ay ­sobrang nahirapan sila sa pagsugpo ng apoy dahil na rin sa makikipot na daanan at mga taong nagtatakbuhan.

Libu-libong indibiduwal ang naapektuhan ng sunog na ang iba ay nasa Ladislao Diwa Elementary School sa Cavite City na nagsisilbi ngayong evacuation center ng mga nasunugan.

Wala namang naiulat na namatay sa naganap na sunog habang may ilang nagtamo ng mga sugat at pilay sanhi ng takbuhan at kanya-kanyang paghahakot ng kanilang mga kagamitan.

Source: Pilipino Star Ngayon

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2022/02/14/2160643/4-na-barangay-sa-cavite-nilamon-ng-apoy

#Cavithink

#CaviteCity