Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki na kandidato bilang bise alkalde sa bayan ng Maragondon, Cavite. Idineklarang dead on arrival ang biktima matapos itong barilin ng kapitbahay na kainuman sa isang bahay sa Lavanya Subdivision, Brgy. Bacao 2.

Kinilala ang nasawi na si Nolito Angeles Magallanes alias Vice Pogi, 54 anyos, may asawa at residente ng Maragondon, Cavite na kasalukuyang kumakandidato sa bayang nabanggit.

Tumakas naman ang suspek na nakilalang si Robert Amoranto, nasa hustong gulang, residente rin ng Lavanya Subdivision at security sa home owners association.

Batay sa imbestigasyon, bago naganap ang krimen, alas 6:30 ng gabi ay nag-iinuman umano ang biktima at suspek kasama ang iba pang mga kapitbahay nang magtalo ang dalawa dahil sa parking space.

Naawat naman ang mga ito kung saan nagpasya nang umuwi ang biktima upang umiwas sa gulo.

Nang nasa bahay na ang biktima ay dumating ang suspek at muling kinompronta ang biktima, nauwing muli sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot na ng baril ang suspek at binaril ang biktima. Nang bumulagta na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na noong umaga nang araw na iyon ay nagkasagutan ang dalawa hinggil sa sasakyan ng biktima na nakaparada sa basketball court ng nasabing subdivision na nakakasagabal.

Source: Pilipino Star Ngayon

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2021/11/18/2142082/kandidatong-bise-alkalde-sa-cavite-pinatay-ng-kapitbahay

#Cavithink

#Maragondon

#GeneralTrias