Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, mapapanood ang isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection at pag-aresto kay Lolita Avila, 66-anyos.

Nakulong ito dahil sa pagsasangla umano ng mga pekeng titulo sa kaniyang mga nabiktima sa Cavite. Isa rin sa nabiktima niya ay isang senior citizen rin na lola na ang natangay niya mula rito ay ang inipon nito sa loob ng 10 taon.

Itinuturo si Avila ng pulisya bilang mastermind umano ng “sangla-tira” modus kung saan nagpapanggap siyang broker na naghahanap ng mapagsasanglaan ng titulo ng residential property sa mababang halaga.

“Isasangla po nito ang isang property na hindi po kanila, pero lahat po ng dokumento na ipapakita sa buyers at would-be-victims natin ay lahat po ay napeke,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Benedick Poblete, Provincial Officer ng PNP-CIDG Cavite.

“Noong nakapagbigay po sila ng pera, bigla na pong nawala itong suspek natin at naisanla po sa napakarami pong tao,” dagdag ni Poblete.

Dito na nagdagsaan ang mga nagrereklamo laban sa suspek at inaasahan ng mga awtoridad na madadagdagan pa ito kapag naisapubliko na ang kaso.

Ayon kay Poblete, “unschooled” ang karamihan sa mga biktima ng suspek, tulad ng mga taga-tahi, mangangalakal, house wife at karpintero.

Isa sa mga nabiktima si Violeta Limroa, 62-anyos, na pamumulot ng kalakal ang ikinabubuhay nilang mag-asawa.

Ibinigay daw nila sa suspek ang naipon nilang P80,000 sa loob ng 10 taon kapalit ng pangako na magkakabahay sila.

“Bulag po ‘yung asawa kong nangangalakal, may tatlo akong apong abandoned, may kasama akong anak na panganay na may sakit sa puso kaya ko gustong kumuha ng bahay. Niloko niya ako, binigay ko sa kaniya ‘yung P80,000,” sabi ni Limroa, na bulag daw ang asawa.

“Sabi ko gusto kong matulog ang mga apo ko sa bahay, hindi sa karton. ‘Yun pala scammer siya,” dagdag ni Limroa.

Source: Proud Caviteño and GMA News

https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/promdi/798270/lola-arestado-sa-umano-y-sangla-tira-modus-sa-cavite-pati-nangangakal-biniktima/story/

#NoToSanglaModus

#Cavithink