Nag-umpisa na ang Commission on Elections (Comelec) sa pag-iikot para mabantayan ang pagsunod sa panuntunan sa kampanya kung saan nagresulta ito sa pagbaklas sa maraming campaign materials sa iba’t- ibang parte ng Maynila kahapon.
Katuwang ng Comelec sa operasyon ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa Sampaloc pa lamang, marami na agad ang binaklas na mga posters na nakalagay sa mga puno at poste ng kuryente na kasama sa ipinagbabawal.
May mga posters naman na nasa tamang lugar nga ikinabit pero lagpas naman sa itinakdang sukat ng Comelec kaya binaklas din.
Ipinaalala ni Atty. Gregorio Bonifacio, ng Comelec- Manila 3rd District, na kahit sa mga pribadong establisimento nakakabit ang mga materyales, kailangan pa ring sumunod ito sa sinasabi ng Comelec Resolution No. 10730 o Fair Elections Act.
Source: Pilipino Star Ngayon
#Cavithink
#Halalan2022