Pormal nang inanunsyo ng dating senador at anak ng diktador ang intensyong tumakbo sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno ng Pilipinas ngayong araw.
Sa isang Facebook live, Martes, sinabi ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na handa na niyang harapin ang hamon ng pagsungkit sa panguluhan sa 2022.

Si Marcos ay tumakbo sa pagka-bise presidente noong 2016 ngunit natalo.
Hindi pa naman malinaw kung anong araw ngayong linggo niya ihahain ang kanyang certificate of candidacy (COC) o kung sino ang kanyang magiging katambal bilang bise presidente.
Inilabas ni Marcos ang kanyang pahayag sa parehong araw na idineklara niya ang panunumpa at paglipat ng partido: mula sa Nacionalista Party patungong Partido Federal ng Pilipinas.
“Ako po ay nanumpa bilang kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas ngayong kanilang ikatlong anibersaryo,” wika ni Bongbong sa hiwalay na paskil kanina.
Enero 2020 pa lang nang sabihin ni Marcos na balak niyang tumakbo para sa national post sa Mayo 2022. Gayunpaman, hindi pa niya noon kinukumpirma kung para saang posisyon.
Ika-24 lang ng Setyembre nang inomina ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), partidong itinayo ng nasira niyang ama na si Ferdinand Marcos Sr., ang kanilang pagnonomina kay Bongbong bilang kanilang standard bearer.
Ninomina rin ng KBL noong araw na ‘yon ang kontrobersyal na abogadong si Larry Gadon bilang kanilang senatorial bet para sa darating na halalan.
Source: Pilipino Star Ngayon
#Cavithink
#Pilipinas
#Halalan2022