Aksidenteng napatay ng isang mister ang kanyang misis makaraang humarang ang ginang sa kanilang daraanan upang hindi makasagasa ng maraming bystander nang biglang pumalya ang kanilang sinasakyang van kahapon ng umaga sa Brgy. Ichican, Silang, Cavite.

Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang biktimang si Alejandra Reyes, 51-anyos, maintainance officer at residente ng nasabing barangay.

Natulala naman ang mister nito na hindi na balak pang kasuhan ng kanilang mga anak na si Hipolito Reyes, 54.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Exec. Master Sgt. Eric Ambojia, dakong alas-8:20 ng umaga habang sakay ang mag-asawang Reyes ng kanilang Toyota Light Ace van nang bigla umanong magloko ang gas acce­lerator ng sasakyan.

Hindi mamaniobra ng mister ang sasakyan at sasalpok ito sa mga bystander kaya mabilis na bumaba ang kanyang misis at biglang humarang sa daraanan sa kagustuhang hindi makasagasa ng mga taong nasa lugar.

Gayunman, hindi pa rin nakontrol ng mister ang minamanehong van hanggang sa masalpok nito ang kanyang misis na nakaharang sa daan.

Nagawa pang maitakbo sa pagamutan ang biktima subalit hindi na naisalba pa ng mga manggagamot.

Pumirma naman ng waiver ang mga anak ng mag-asawa na hindi sila magsasampa ng kaso sa laban sa kanilang ama hinggil sa nangyari na itinuturing nilang aksidente lamang.

Source: Pilipino Star Ngayon

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2021/12/13/2147582/sinasakyang-van-pumalya-misis-humarang-sa-daan-napatay-ni-mister

#Cavithink

#SilangCavite