Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 66-anyos na lola matapos katayin umano ng naburyong na call center agent na manugang makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo.
Bukod pa rito ay nang-hostage pa ng mga kapitbahay sa Brgy. Toclong, Kawit, Cavite kamakalawa ng hapon.
Tadtad ng saksak at hindi na naisalba pa sa pagamutan ang buhay ng matandang biktima matapos mangyari ang insidente.
Kinilala ang biktimang si Lilia Nietes, ng #591 Saturn St. NAIA Road, Parañaque City.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa ospital ang suspek matapos mabaril ng rumespondeng pulis na nakilalang si Jeffrey Jun Socao. 41-anyos at residente ng Boston Heights, Toclong, Kawit, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ni P/CMS Roldan Requioma ng Kawit Police, alas-2:00 ng hapon nang sermunan ng biyenan ang kanyang manugang hanggang sa mauwi ito sa mainitang pagtatalo sa hindi pa mabatid na dahilan.
Dito, nairita umano ang suspek at tila nawala sa sarili hanggang sa dumampot ng patalim at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang matandang biyenan.
Matapos ito, nagtatakbo palabas ng bahay ang suspek bitbit ang patalim at pumasok siya sa isang tindahan ng kapitbahay saka hinostage ang mga tao sa loob nito.
Pagdating ng pulisya, kinausap nila ang suspek na sumuko na lamang subalit dito na lalong nagwala at tinangka nitong saksakin ang mga tao sa loob ng tindahan dahilan upang barilin ng mga pulis.
Nang bumulagta ang suspek, agad na itinakbo sa Ospital ng Imus para malapatan ng lunas.
Source: Pilipino Star Ngayon
📸: Abante
#Cavithink
#KawitCavite