Tatlong turista mula sa Cavite ang inaresto dahil sa umano’y paggamit ng pekeng COVID-19 test results sa kanilang pagpasok sa Boracay Island, Aklan, nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa ulat ng Western Visayas regional police, ang mga nahuling turista ay kinilala bilang sina Benjamin Pastrana, 64; Marichu Pastrana, 56; at Luisa Mingi, 55, na pawang mga nagmula sa Barangay Bulihan, Silang, Cavite.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na gumamit ang tatlo ng pekeng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test results sa Jetty Port ng Brgy. Caticlan, Malay bandang alas-9 ng umaga.
Sinabi ni Lt. Col. Don Dicksie De Dios, pinuno ng Malay Police, na nalaman ng kanyang yunit ang insidente dakong 11:55 ng umaga, nang tawagan ito ng mga kawani ng Provincial Tourist Validating Office. Agad na nagtungo ang kanilang grupo sa hotel at naabutan ang mga turista, na ngayon ay dinala na sa Kalibo Quarantine Facility, aniya.
Kaso ng paglabag sa Republic Act 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at Article 175 (using false certificates) ng Revised Penal Code ay isasampa laban sa mga turista, ayon pa rin sa pulisya.
Source: The Daily Tribune & GoCavite
Image by: Keith A. Calayag & AFP/Fred Tanneau