Nadakip ng mga tauhan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG)  sa Imus, Cavite at Sta. Rosa, Laguna ang  tatlong hacker na sinasabing  responsable sa pagnanakaw ng datos mula sa Commission on Elections (Comelec).

Nakilala ang mga suspect na sina Joel Adajar Ilagan o “Borger”, Adrian De Jesus Martinez o “Admin X”, at Jeffrey Cruz Limpiado o “Brake/Vanguard/Universe/LRR”.

Bukod sa panggugulo sa Comelec, sinabi rin ng mga  hackers kaya nilang baguhin ang resulta ng eleksyon sa pamamagitan ng  pagpasok sa sistema ng Smartmatic, ang automated poll system provider  ng bansa.

Ayon kay CICC  executive director Undersecretary Cesar Mancao,  isinagawa ang operasyon nitong Sabado, kung saan nagpanggap ang mga agent ng CICC at PNP-ACG bilang kliyente na bibili ng ninakaw na datos ‘XSOX Group’. Ibinebenta ng  grupo ang ninakaw na datos mula sa  private at government companies sa halagang P60 milyon.

Lumilitaw na kinontak ng  mga IT operatives ang grupo at nagsagawa ng tatlong  meeting sa Solaire, Pasay; EDSA Shangrila sa  Makati at  Pansol, Laguna.

Nagkasundo ang mga awtoridad  at suspects sa P60-M subalit humingi ng P10-M bilang  downpayment.

“They threatened the Smartmatic and Comelec that if they would be ignored, they would release 60 gigabyte data of the Comelec. They had been insisting in the dark web that they could manipulate the result of the elections,” ani Mancao.

Sinabi ni Mancao na ang tatlong naaresto ay may koneksiyon sa isang em­pleyado ng  Smartmatic na si Ricardo Argana  na unang  sumuko sa NBI subalit nagtago na  rin.

 Ipinasa ni Argana  sa lider ng grupo na si Limpiado na isang dating negosyante ang  access sa Smartmatic system. May contact umano ang ilang kandidato sa ilang  lalawigan. Sinasabing responsable rin ang grupo ni Limpiado sa ilang kaso ng hacking sa bansa.

Sasampahan ng kasong paglabag sa  Cybercrime Prevention  Act of 202 ang tatlo partikular ang connection  with system interference, illegal access at attempt to commit cybercrime.

Source: Pilipino Star Ngayon

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/metro/2022/04/27/2177034/3-hacker-sa-smartmatic-data-breach-timbog

#Cavithink

#Comelec